NI VICTOR MARTIN, PN
NAGTIPUNAN, Quirino (January 6)—Pumalag ang mga katutubong Bugkalot na patuloy na naninindigan para sa kanilang “ancestral domain” matapos magpalabas ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ng certificate of non-overlap (CNO) na pumapabor sa OceanaGold Philippines, Inc. (OGPI) na nagsasagawa ng pagmimina sa Barangay Didipio na sakop ng kanilang teritoryo.
Ayon sa mga elders at mga opisyal ng tribung Bugkalot, ang pagpapalabas ng CNO ng NCIP ay walang sapat na basehan at malinaw na pagyurak sa kanilang karapatan bilang mga katutubo.
Ayon kay Rosario Camma, overall chieftain ng tribung Bugkalot na matatagpuan sa mga kabundukan ng Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora at Nueva Ecija, ang CNO na ipinalabas ng NCIP ay isang paraan para sa pag-apruba at pag-renew sa expired na Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OGPI na kasalukuyan ay hindi pa napipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Camma, kasama ang Barangay Didipio sa inihain nilang applikasyon para sa Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ng kanilang tribu dahil sa ito ay isa sa mga tirahan ng mga sinaunang Bugkalot na kilala rin bilang mga Ilongot noong araw.
Ang lugar na naging sentro ngayon ng operasyon ng minahan ng OGPI ay paraiso sa mga sinaunang Bugkalot dahil dito umano sila nangingisda, nangangaso at bilang patunay na bahagi ito ng kanilang teritoryo ay karamihan sa pangalan ng lugar, hayop, ilog, sapa at mga kahoy ay hango sa salita ng mga Bugkalot kabilang na mismo ang pangalan ng Barangay na Didipio.
Dahil dito, nagkaisa nitong Lunes ang lahat ng mga opisyal mula sa mga barangay municipal at provincial chieftains mula sa apat na lalawigan para tutulan sa pamamagitan ng isang petisyon ang pagpapalabas ng NCIP ng CNO para maiparating kay Pangulong Duterte ang kanilang hinain.
Labis din ang pagkadismaya ng mga katutubo sa pamunuan ng NCIP sa Cagayan Valley sa pag-aakala na kasangga nila ang nasabing ahensya sa pakikipaglaban sa kanilang mga karapatan kabilang na ang kanilang ancestral domain, subalit, ang dambuhalang minahan pa umano ang kinampihan.