Sunday, December 22

DepEd NVizcaya, handa na sa face-to-face classes sa susunod na lunes

Handa na ang Department of Education (DepEd) sa Nueva Vizcaya upang ipatupad ang Face to Face Classes sa lalawigan sa susunod na linggo. Katuwang ng DepEd ang mga local government units, Municipal Health Offices, Barangay Health Emergency Response Teams at Barangay Health Workers sa pagpapatupad nito. LARAWAN MULA SA PIA

BY BENJAMIN MOSES M. EBREO

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (August 18)—Handang handa na ang Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng face to face classes sa lalawigan sa susunod na linggo.

Ayon kay Dr. Rachel Llana, DepEd Schools Division superintendent (SDS), may ugnayan na ang mga opisyal ng mga pampublikong paaralan sa kanilang mga Local Government Units (LGUs), Rural Health Units (RHUs), Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) at Barangay Health Workers (BHWs) upang magresponde sa mga Covid-19 incidents sa pagsisimula at pagbubukas ng face to face classes.

Ayon pa sa kanya, may nakalatag na silang plano upang maipatupad ng maayos ang face to face classes sa mga pampublikong paaralan sa probinsiya kung saan mariing ipapatupad ang  social distancing at iba pang mga health protocols laban sa Covid-19.

Ayon pa kay Llana, papapasukin ang mga vaccinated at non-vaccinated na mga mag-aaral habang may mga designated area naman kung saan maghihintay ang mga maghahatid na mga magulang at kamag-anak sa mga paaralan.

Umaasa si Llana na dadami pa ang mga mag-eenrol na mga mag-aaral upang maabot nila ang maximum na bilang ng mga estudyanteng lalahok sa face to face classes.

Bagama’t inamin ni Llana na nagkaroon ng learning loss ang mga mag-aaral dulot ng dalawang taong pandemya, tutugunan at pupunuan nila ito sa kanilang face to face learning system at dating learning interaction sa mga guro at kapwa mag-aaral.

Hinimok din ni Llana ang mga iba’t-ibang sektor ng lipunan upang makiisa at makipagtulungan sa kanilang face to face classes bagama’t hinaharap pa ang banta ng Covid-19 pandemic.

ALSO READ  Garcia expects voter filing to increase

Ayon pa kay Llana, ipinapaubaya nila sa mga local government units ang pagdedeklara ng suspension ng mga klase sa oras na maranasan ang Covid-19 cases surge sa mga paaralan.

Dagdag pa nito na patuloy ang kanilang pakikipagugnayan sa mga iba’t- ibang partners ng ahensiya upang matugunan ang iba’t-ibang problema na haharapin sa ipatutupad na face to face classes sa Nueva Vizcaya. (PIA)