BY BENJAMIN MOSES M. EBREO
BAMBANG, Nueva Vizcaya (September 12, 2023)—Nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyong Egay ang Municipal Local Government Unit (MLGU) ng bayang ito upang muling matulungan ang mga magsasaka na bumangon matapos ang hagupit ng nasabing bagyo sa kanila.
Pinangunahan ni Mayor Benjamin Cuaresma 3rd ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka ng Barangay Santo Domingo West at Barangay Pallas ng bayang ito kamakailan kasama ang mga barangay officials.
Ang mga naibigay na tulong ay vegetable seeds, food packs at tulong pinansyal sa 217 na high value crop farmers at 165 corn farmers na grabeng naapektuhan ng bagyong Egay sa bayan.
Dahil dito, nagpasalamat si Cuaresma sa mga kawani ng MLGU na tumulong upang gumulong ang ayuda para sa mga typhoon victims, katuwang ang mga barangay captains.
“Makakaasa po kayong patuloy ang ating pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan, lalo na ang mga nasalanta ng kalamidad upang muli silang babangon at ipagpatuloy ang kanilang kabuhayan para sa kanilang pamilya,” pahayag ni Cuaresma.