Paano nga ba maging isang magiting na Pilipino? Paano nga ba tayo hihiranging magiting sa ating sariling mga pamamaraan? Paano nga ba mapabilang sa mga tinatawag nating “Isang Magiting na Pilipino?”
Sa pamamagitan ba ng pagbuwis ng buhay kahit na alam mong hindi sumusuporta ang mas nakararaming mamamayan sa iyong ipinaglalaban? Sa pagtatanggol ng karapatang pantao kahit na naapakan ang karapatan ng iba? Sa pakikipaglaban sa kasarinlan ng Pilipinas kahit na sa tingin ng nakararami ay maling pamamaraan?
Sa limang dekadang pakikipaglaban ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) laban sa ating gobyerno, masasabi ba natin na may naibigay silang magandang serbisyo para ipaglaban ang kanilang ipinaglalaban sa pamamagitan ng armadong pakikibaka? Matatawag ba nating isa itong kagitingan?
Ngayong Araw ng Kagitingan, sino-sino nga ba ang dapat bigyan ng pagpupugay dahil sa mga nagawa nilang kagitingan para sa bansang Pilipinas? Sa isang taong pakikipaglaban natin sa banta ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), andyan ang ating mga frontliners, mapa-medical man, sa kaayusan at iba pa, na walang sawang nagbibigay ng tulong at serbisyo sa anumang paraang alam nilang sila ay nakakatulong. Saludo pa rin ako sa inyo! Maraming Salamat po sa inyong serbisyo sa patuloy na pakikipaglaban sa Covid-19.
Ngunit sa kabilang banda, gusto ko ring saluduhan ang katapangan ng mga dating rebeldeng NPA na nagbalik-loob na at tinalikuran ang armadong pakikibaka. Hindi man sila maituturing na mga bayani dahil minsan ay naging kalaban sila ng gobyerno ngunit ang naging desisyon nila na sumuko sa gobyerno ay matatawag kong kahanga-hanga at isang matapang na paraan dahil hindi naging madali ang kanilang ginawa. Dahil sa wakas ay napagtanto nilang walang saysay ang kanilang ipinaglalaban sa ilalim ng teroristang hukbong bayan.
At ngayon, bilang pagtubos sa mga maling gawain o nagawa nila noong sila pa ay nasa kilusan ay isiniwalat nila ang katotohanang nagaganap sa loob ng kilusan. Sa kabila ng banta o panganib sa buhay nila kasama ang kanilang pamilya mula sa mga dating kasamahan nila sa kilusan ay pinili nilang lumantad sa publiko at bigyang kaalaman ang bawat Pilipino sa kung ano ang pwedeng mangyari sa kanila kapag sumampa na sila sa CPP-NPA-NDF.
Hindi man ito maituturing na kagitingan sa tingin ng nakararami ngunit para sa akin ay hanga pa rin ako sa katapangang ipinapakita nila. Sa katapangang harapin ang bawat pangungutya at pang-aalipusta ng iba dahil alam kong kaya nila ginagawa ito ay para maituwid ang kanilang pagkakamali at makabawi sa ating mga kababayan at panahon na para pagsilbihan ang bansang Pilipinas at hindi ang Partido Komunista na siyang sumisira sa kinabukasan ng Pilipinas.
Kaya sa mga natitira pang mga kababayan kong nasa kilusan, hindi pa huli ang lahat. Kung mabasa man ninyo ang aking sulat ay pwede pa kayong bumawi sa lahat ng mga pagkakamali ninyo at sa pamamagitan ng pagtalikod sa mapanirang ideolohiya ay maituturing na itong kagitingan para sa inyong mga sarili.
Robert M Marquez, Lagangilang, Abra, robertmercadomarquez@gmail.com